Dalawa arestado ng NBI sa QC dahil sa hindi otorisadong swab testing
Sinampahan ng mga reklamo ng NBI sa piskalya ang dalawang indibidwal sa Quezon City dahil sa pagsasagawa ng hindi otorisadong swab testing, estafa, at falsification.
Kinilala ng NBI ang mga inarestong suspek na sina Bernadette Ubante Lagat at Paulo Arevalo Onate.
Ang kaso ay nag-ugat mula sa reklamo laban sa Facebook page na “Swab Test Pilipinas” na nag-aalok ng home service na swab testing sa halagang Php 3,500 kada test.
Batay sa complainant, kinuhanan ng swab test ng suspek na si Lagat ang kanyang kapatid at pamangkin sa bahay nila sa Sampaloc, Maynila noong Abril 11.
Humingi ang complainant ng official receipt pero tumanggi ang suspek at sinabi hindi sila mag-i-isyu ng resibo on-site.
Kinabukasan ay natanggap ng complainant ang negatibong resulta ng RT-PCR test ng pamangkin nito na isinagawa ng Hero Laboratories.
Pero nang beripikahin ito ng complainant sa laboratoryo ay sinabing hindi sila nagsagawa ng RT-PCR test sa pamangkin nito.
Nakipag-ugnayan naman ang mga operatiba ng NBI sa “Swab Test Pilipinas.”
Iginiit nito na affiliated sila sa accredited laboratory ng DOH na Marilao Medical Diagnostic Center kaya otorisado silang magsagawa ng home service swab testing.
Gayunman, sa beripikasyon ng NBI sa Health Facilities and Services Regulatory Bureau ng DOH ay nabatid na walang licensed facility na “Swab Test Pilipinas.”
Nakumpirma rin ng NBI mula sa Hero Laboratory na wala sa record at hindi dumaan sa kanila ang specimen ng mga biktima para sa RT- PCR test.
Dahil dito, ikinasa ng NBI- Special Action Unit ang entrapment operation laban sa mga suspek sa Don Pepe, Sto. Domingo, Quezon City kung saan isinasagawa ang swab testing collection.
Naobserbahan ng NBI operatives na nakalagay lang sa ordinaryong container ang mga specimen kasama ng ibang materyales na taliwas sa guidelines ng DOH sa remote specimen collection.
Bigo ring makapagpakita ang mga suspek ng mga dokumento na lisensyado sila ng DOH at inaming hindi sila trained ng RITM para magsagawa ng swab testing.
Moira Encina