Dalawang bagong appointees ni Pang. Duterte sa SC, lumahok na sa oral arguments sa petisyon ni Sen. de Lima
Lumahok na sa oral arguments ng Korte Suprema sa petisyon ni Senadora Leila de Lima ang dalawang bagong talagang mahistrado ni Pangulong Duterte na sina Justices Samuel Martires at Noel Tijam.
Unang nagtanong sa abogado ni de Lima na si dating Solicitor General Florin Hilbay si Justice Martires at kinuwestyon nito ang legal na batayan sa kanilang argumento na dapat niresolba muna ng Muntinlupa RTC ang motion to quash ng Senadora bago nito dinitermina ang probable cause para sa pag-iisyu ng arrest order.
Pinuna naman ni Justice Tijam ang pagmamadali ng kampo ng Senadora na iakyat sa Korte Suprema ang kasong isinampa sa kanya ng DOJ.
Ayon kay Tijam, lubhang nakakabahala ang aniya’y undue haste sa panig ng Senadora para kwestyunin ang hurisdiksyon ng Muntinlupa RTC.
Tila nagpapakita aniya ito na hindi nagtitiwala si de Lima sa magiging desisyon ni Judge Juanita Guerrero ng branch 204 sa kanyang motion to quash.
Giit pa ni Tijam dapat tumalima ang kampo ni de Lima sa judicial process kabilang na ang doktrina laban sa forum shopping at pagsunod sa hierarchy of courts.
Ayon pa sa mahistrado, ang mga abugado gaya ni Hilbay ay officers of the court at ang pangunahing tungkulin nila ay ang pagsilbihan ang interes ng hukuman at hindi ng kanilang kliyente.
Ulat ni: Moira Encina