Dalawang high-value drug suspects, nahulihan ng P54.7-M shabu sa Caloocan
Inaresto ng mga operatiba ng Northern Police District (NPD), ang dalawang high-value drug suspects, at nakakumpiska ng PHP54.7 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust sa Caloocan City.
Sa isang pahayag ay sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Maj. Gen. Vicente Danao, Jr., na ang mga suspek na sina Ali Usman at Von Emil Flores ay inaresto sa isinagawang operasyon sa isang lodge sa Barangay 136, Bagong Barrio, Caloocan City, bandang alas-12:30 kaninang madaling araw.
Narekober ng mga pulis sa dalawang suspek ang nasa walong kilo ng shabu na nakasilid sa tea bags at buy-bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang ang mga ebidensiya namang nasamsam ay isasailalim sa confirmatory testing.
Ang operasyon ay ginawa mahigit isang oras matapos makasamsam ang mga kagawad ng Southern Police District (SPD), ng PHP54 milyong halaga ng shabu mula kay Marisa Asi at Muslimin Kamid, sa Barangay Maharlika, Taguig City.