Dalawang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf group na wanted sa kidnapping, arestado ng NBI sa Pasay City
Timbog ng NBI sa magkahiwalay na operasyon sa Pasay City ang dalawang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group na sangkot sa kidnapping sa Patikul, Sulu noong 2002.
Kinilala ang mga inaresto na sina JAMAR IBI alyas “BAS” at RADEN JAMIL alyas “TAMIYA”.
Sina Ibi at Jamil ay may warrant of arrest mula sa korte para sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention with ransom.
Ang mga kaso ay nag-ugat sa 2002 Jehovah’s Witness kidnapping incident sa Patikul, Sulu.
Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang NBI Counter- Terrorism Division na namataan sa Pasay sina alyas Bas na nagsilbing perimeter guard sa kidnapping, at si alyas Tamiya.
Positibong kinilala ng testigo ang dalawa mula sa photo line-up.
Matapos ang serye ng casing at surveillance operations, nagtungo sa target area ang mga NBI operatives katuwang ang militar kung saan naaresto si Ibi noong October 12.
Sumunod naman naaresto ng NBI at AFP si Tamiya sa hiwalay na operasyon noong October 19.
Nakakulong ang dalawa sa NBI Detention Facility sa Maynila.
Ayon sa NBI, mula Enero ngayong taon aabot na sa limang miyembro ng Abu Sayyaf ang nadadakip ng kawanihan.
Moira Encina