Dalawang kumpanya sinampahan ng BIR sa DOJ ng ₱132M na reklamong tax evasion
Dalawang kumpanya sa Gitnang Luzon ang ipinagharap ng BIR sa DOJ ng reklamong tax evasion dahil sa hindi binayarang buwis na nagkakahalaga ng halos 132 million pesos.
Ang mga ito ay ang mga opisyal ng Hyheavy Industrial INC. sa Castillejos, Zambales at ang Hans Christian Marketing at Hans Jefferson Marketing sa Cabanatuan City.
Kabuuang 99.83 million pesos na hindi nabayarang buwis noong 2012 ang hinahabol na buwis ng BIR sa mga opisyal ng Hyheavy na sina Roderick Salem, Elvie Kang at sa South Korean na si Yoo Beongsun.
Nabatid ng BIR na bigong maghain ang nasabing kumpanya ng income tax return noong 2012 bagamat kumita ito sa transaksyon nito sa Bumjin Philippines Construction, Inc. na umaabot sa mahigit 17 million pesos.
Samantala, mahigit 32 million pesos na tax liability noong 2011 ang ipinagharap ng BIR sa may-ari ng Hans Christian Marketing at Hans Jefferson Marketing na si Efren de Belen Melosantos.
Ulat ni: Moira Encina