Dalawang military commanders, napatay sa east Ukraine
Workers repair damaged railway tracks next to a crater caused by a missile explosion after a shelling in Kharkiv, on May 14, 2023, amid the Russian invasion of Ukraine. (Photo by Sergey BOBOK / AFP)
Inihayag ng Russia na dalawa sa mga kumander ng militar nito ang napatay sa labanan malapit sa frontline hotspot ng Bakhmut sa silangang Ukraine.
Sa isang hindi karaniwang pag-aanunsiyo ng kanilang mga pagkatalo sa larangan ng digmaan, sinabi ng Russian defense ministry na ang kumander ng 4th motorised rifle brigade na si Vyacheslav Makarov, at ang deputy commander ng Army Corps for military-political work na si Yevgeny Brovko, ay napatay sa labanan sa silangang Ukraine.
Ang anunsyo ay ginawa habang nagaganap ang mga labanan para makontrol ang Bakhmut sa silangang rehiyon ng Donetsk.
Sinabi ng defense ministry sa isang pahayag, na si Colonel Makarov ay napatay habang itinataboy ng kaniyang brigada ang mga umaatakeng puwersa ng Ukraine sa timog ng pamayanan ng Krasne.
Ayon sa pahayag, “Two attacks of the enemy have been repelled. As a third attack was being repelled, the brigade commander was seriously wounded and died during the evacuation from the battlefield.”
Sinabi ng ministry, na si Brovko ay napatay habang itinataboy ng puwersa ng Russia patungo sa ibang lugar ang mga pag-atake, at idinagdag na ang opisyal ay “namatay nang buong kabayanihan, na nagtamo ng maraming shrapnel wounds.”
Tinukoy ang mercenary group Wagner, sinabi ng Moscow, “assault detachments have continued to fight for control of western parts of Bakhmut with the support of airborne forces.”
Ayon pa sa ministry, “Over the past day the enemy has made massive attempts to break through the defence of our troops to the north and south of Artemovsk,” na ang tinutukoy ay ang Bakhmut sa Russian name nito. “All attacks of the Ukrainian armed forces have been repelled.’
Tikom naman ang bibig ng Russia tungkol sa mga naging pagkatalo nila sa Ukraine.
Sinabi ni Defense Minister Sergei Shoigu noong nakaraang taon na 5,937 Russian troops ang napatay sa pro-Western country, kahit na sinabi ng mga military analyst na sinikap ng Moscow na itago ang laki ng pagkatalo nito sa Ukraine.