Dalawang sangkot sa human trafficking, inaresto ng NBI sa Taytay, Rizal

Courtesy: NBI
Arestado sa dalawang magkasabay na entrapment operasyon ng National Bureau of Investigation-Rizal District Office sa Taytay, Rizal ang target na sina Roel San Esteban at Maria Antonette Maltor alyas “Maria,” dahil sa paglabag sa Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003), at R.A. No. 7610 (Especial Protection of Children Against Abuse and Discrimination Act).
Ikinasa ang operasyon para iligtas ang mga bata na biktima ng sekswal na pagsasamantala ng naturang mga suspek.
Nabatid na isang alyas “Choychoy” at alyas “Maria” ang sangkot sa human trafficking activities sa Taytay, Rizal.

Courtesy: NBI
Kaya dalawang magkasabay na entrapment operation ang isinagawa ng NBI laban sa mga suspek.
Sa isang motel sa Manila East Road, Taytay, Rizal, naabutan ng mga operatiba at agad na inaresto ang suspek na si Esteban habang nasagip naman ang pitong biktima, kung saan tatlo sa mga ito ay menor-de-edad.
Samantalang si Maltos naman ay naaresto sa isang appartelle sa kaparehong lugar, at nasagip naman ang pitong biktima na ang isa ay menor-de-edad.
Ang mga naarestong suspek ay dinala sa Office of the Prosecutor upang siyasatin at litisin kaugnay ng nabanggit na mga paglabag
Archie Amado