Dalawang Traffic enforcer na nag-viral sa extortion video, sinibak na sa serbisyo
Inaprubahan na ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang Termination from Service ng dalawang Traffic enforcers ng na kamakailan ay nasangkot sa robbery extortion.
Ang pangingikil ng mga ito ay nakuhanan ng video at nag-viral sa social media noong nakalipas na linggo.
Nakilala ang mga sinibak na enforcers na sina Mark James Ayatin at Jayson Salibio, na parehong nakatalaga sa C5 Special Traffic Zone.
Sa ipinalabas na resolusyon ng MMDA, nagkasala ang dalawa ng Grave misconduct as Public employees batay sa isinagawang imbestigasyon kasunod ng viral video.
May 12 nang maghain ng reklamo si Christ Edward Lumagui kung saan sinabi nitong pinara nina Ayatin at Salibio ang kaniyang sasakyan nang patungo sana siya sa u-turn slot.
Sinabi sa kaniya ng mga enforcers na may traffic violation umano siya at inisyuhan siya agad ng citation ticket at kinuha ang kaniyang driver’s license sa kabila ng pakiusap niya na bigyan siya ng konsiderasyon.
Nang pina-u-turn siya ng mga ito para kausapin sa isang bahagi ng kalsada, dito na nagpasya si Lumagui at kaniyang pinsan na kunan ng video ang naging takbo ng kanilang pag-uusap.
Matapos pumayag ni Lumagui na kunin na lamang ang citation ticket, pilit naman siyang inareglo ng mga enforcer sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera kapalit ng kaniyang driver’s license.
Napilitan umano siyang magbayad para maibalik na ang kaniyang lisensya at matapos na ang pag-uusap.
Maliban pa dito, nanghingi pa umano ang mga enforcers ng 300 pesos para sa anila’y violation matapos ma-check ang cellphone ng kaniyang pinsan.
Matapos makapagbigay ng pera ay pinayagan na silang umalis ng mga enforcers.
Ayon sa MMDA Legal Department, malinaw na pangingikil lamang ang layon ng mga enforcer na paglabag sa batas at mga polisiyang ipinaiiral ng ahensya.
Malinaw din na nagsabwatan ang dalawang enforcer para umaktong mayroong naging paglabag si Lumagui at makakuha ng pera dito.
Ngunit dahil ang employment status nina Ayatin at Salibio ay Job Order employees at ang service contract ay hindi sakop ng Civil Service Law, hindi sila maaaring kasuhan sa ilalim ng 2017 Rules on Administrative Cases.
Sa harap nito, nagbabala si Abalos sa mga MMDA personnel na tigilan na kung may mga ginagawang ligal dahil hindi sila mangingiming kasuhan at parusahan ang mga ito.
Kinilala din ni Abalos ang kahalagahan ng social media dahil nagiging kasangkapan ito para mabunyag ang mga iligal na gawain ng ilan sa mga tiwaling empleyado ng Gobyerno.