Dallas Mavericks, sinilaw ng Phoenix Suns
Umiskor ng 25 points si Deandre Ayton at dinaig ng top seed na Phoenix Suns si Luka Doncic at ang Dallas Mavericks nitong Lunes (Martes, Manila time), para makuha ang Game One ng kanilang NBA Western Conference semifinal series.
Pinangunahan ni Doncic ang scoring sa pamamagitan ng isang game-high 45 points, pero hindi ito sumapat para pigilan ang Phoenix na angkinin ang isang wire-to-wire 121-114 victory, sa best-of-seven Western Conference semi-final series opener.
Si Devin Booker ay nagdagdag pa ng 23 points, 9 rebounds at 8 assists para sa Phoenix.
May ambag ding 19 points si Chris Paul, at si Cameron Johnson ay 17 points habang anim na manlalaro pa ng Suns ang nagposte ng double-digit points.
Ang Phoenix ay lumamang ng 10 sa pagtatapos ng 1st quarter at lalo pang suminag sa 69-56 lead sa interval.
Susunod na maghaharap ang Mavericks at Suns para sa Game Two ng serye ngayong Miyerkoles (Huwebes, Manila time).