Dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, nailipat na sa Pasig city jail
Mula sa PNP Custodial center sa Kampo Krame, nailipat na sa Pasig city Jail Female dormitory si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Eksakto 9:33 ng umaga nang maiturn Over ng PNP sa kustodiya ng Pasig City Jail Female Dormitory .
Ang paglilipat kay Guo sa pasig city detention facility ay kasunod ng kautusan ng Pasig city Regional Trial Court branch 167 na dumidinig sa non-bailable case nito na qualified human trafficking.
Bago ito, isinailalim muna si Guo sa Medical at physical examination sa PNP General Hospital sa PNP general hospital kung saan nakitaan siya ng hinihinalang impeksyon sa kaliwang baga base sa resulta ng kaniyang X-ray.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel, Jean Fajardo posibleng nadevelop ang infection nitong weekend dahil hindi naman ito nakita noong una siyang isailalim sa medical check up noong biyernes.
Kapansin pansin daw na may sipon at inuubo si Guo nang isailalim kanina sa check up.
Sa kaniyang pagpasok sa Pasig city jail bitbit ni Guo ang resulta ng kaniyang x-ray.
Ayon naman kay BJMP Spokesperson, Chief inspector Jayrex Bustinera, isasailalim sa panibagong medical exam si Guo para iconfirm ang resulta ng x-ray sa PNP.
Habang hinihintay ang resulta, pansamantala muna siyang ilalagay sa isolation area sa loob ng Pasig jail.
Makakasama niya ang tatlo pang PDL na sumasailalim sa gamutan sa sakit na tuberculosis upang maihiwalay sila sa general public.
Paliwanag ni Bustinera, hindi naman na nakakahawa ang sakit ng mga makakasama ni Guo dahil isang buwan na silang ginagamot.
Oras na gumaling na si Guo dito na raw siya isasama sa selda ng iba pang mga PDL.
Nauna na ring nagsagawa ng background investigation ang BJMP sa mga makakasama ni Guo para matiyak ang kaniyang kaligtasan.
Mar Gabriel