Dating DFA Sec. del Rosario, pumanaw sa edad 83
Pumanaw na si dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.
Sa inisyal na report, inatake sa puso si del Rosario habang nasa eroplano patungong San Francisco, California.
Nagsilbi ang 83-anyos na si del Rosario bilang Philippine Ambassador to the United States mula noong 2001 hanggang 2006.
Kasunod nito ay itinalaga siya bilang Foreign Affairs Secretary sa panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III mula February 2011 hanggang March 2016.
May mahalagang papel na ginampanan si del Rosario sa paghahain ng arbitral case sa The Hague hanggang sa maipanalo ang kaso laban sa China noong 2016.
Sa statement na ipinalabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) kinilala si del Rosario bilang masugid na tagapagtaguyod ng pambansang seguridad at pagsusulong sa karapatan at kapakanan ng mga Filipino dito sa bansa at sa abroad.
Sa kaniya namang tweet, nagpahatid ng pakikiramay si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa pamilyang naiwan ni del Rosario.
Inilarawan niya ang dating opisyal bilang “consummate diplomat” at “inspiring leader” na nangasiwa sa DFA nang may integridad at hindi matatawarang serbisyo publiko.
Naulila ni del Rosario ang maybahay na si Gretchen del Rosario at mga anak.
Wala pang inilalabas na detalye ukol sa magiging burol at libing ng dating opisyal.
Weng dela Fuente / Moira Encina