Dating Japanese PM Abe, inilibing na
Nagtipon ang pamilya at mga kaibigan ng pinaslang na dating prime minister na si Shinzo Abe sa labas ng isang Tokyo temple ngayong Martes para sa isang pribadong libing, habang kinondena naman ng mga nakikidalamhati na nasa labas ang ginawang pagpatay sa lider.
Si Abe ay binaril noong Biyernes habang nagtatalumpati sa isang campaign rally sa siyudad ng Nara, ilang araw bago ang upper house elections na ginanap naman noong Linggo.
Ang 41-anyos na murder suspect na si Tetsuya Yamagami, na nasa kustodiya na ng pulisya ay nagsabing tinarget niya si Abe dahil naniniwala siya na ang pulitiko ay may kaugnayan sa isang organisasyong kinamumuhian niya.
Si Yamagami ay nagsilbi ng tatlong taon sa Japanese navy, at napaulat na sinabi nito sa mga imbestigador na ang malalaking donasyon ng kaniyang ina sa isang religious organization ang sanhi ng problema nila sa pera.
Inamin naman ng Unification Church, isang global religious movement na itinatag sa Korea noong 1950s, na ang ina ni Yamagami ay miyembro nila, ngunit hindi nagkomento tungkol sa sinasabing mga donasyon nito.
Bagama’t ang seremonya ng paglilibing ay para lamang sa mga miyembro ng pamilya at malalapit na kaibigan, maraming mga tao na ang ilan ay nakasuot ng itim na damit, ang nagtungo sa Zojoji temple para magbigay ng respeto sa pinakamatagal na nagsilbing prime minister ng Japan.
Samantala, iniulat ng pulisya na sa ginawang paggalugad sa tahanan ng suspek ay nakakita ang mga imbestigador ng mga pellet at iba pang posibleng mga parte para sa pagbuo ng isang baril na gaya ng ginamit sa pag-atake kay Abe.
Nangako si Satoshi Ninoyu, chairman ng National Public Safety Commission, isang cabinet position na namamahala sa national police, na magsasagawa ng kumpletong pagrepaso sa anumang kabiguang panseguridad.
Una nang inamin ang lokal na pulisya na may pagkukulang sa kanilang guarding program para sa high-profile politician, na nilapitan mula sa likuran at binaril.
Ayon naman kay Foreign Minister Yoshimasa Hayashi, higit sa 1,700 condolence messages ang kanilang natanggap mula sa 259 na mga bansa, teritoryo at international bodies.
© Agence France-Presse