Dating Mayor ng Looc, Romblon inabswelto sa kasong grave misconduct at dishonesty ng CA
Inabswelto ng Court of Appeals ang dating alkalde ng Looc, Romblon sa reklamong grave misconduct and dishonesty.
Sa desisyon ng CA Fourth Division, binaligtad nito ang joint resolution at kautusan ng Office of the Ombudsman noong 2015 at 2016 na nagpapatalsik laban kay dating Looc Mayor Juliet Ngo-Fiel.
Ang reklamo laban sa naturang alkalde ay nag-ugat sa sinasabing kwestyunableng job order nito sa walong manggagawa para sa pagkumpuni ng kanyang opisina bilang Mayor noong 2009 na nagresulta sa illegal disbursement ng pondo ng gobyerno.
Pero ayon sa CA, walang partisipasyon si Ngo-Fiel sa pagpili at hiring ng mga contractual laborer at ito ay pananagutan ng Municipal Engineer.
Wala ring kamay ang alkalde sa pangangasiwa sa mga laborer at kung ang mga ito ay nagreport sa trabaho.
Batay sa reklamo, dinaya ni Ngo-Fiel at ng ilan pang kasabwat na opisyal ang payroll para palswelduhin ang isang laborer kahit na hindi naman ito kasama sa repair job.
Ulat ni : Moira Encina