Dating NTF-ELCAC Spokesman Lorraine Badoy, pinagmumulta ng Supreme Court dahil sa indirect contempt of court
Hinatulang guilty ng Korte Suprema sa kasong indirect contempt of court, ang dating tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na si Lorraine Badoy.
Kaugnay ito ng mga pagbabanta sa buhay at sa mga patutsada ni Badoy sa social media, laban kay Manila RTC Branch 19 Presiding Judge Marlo Magdoza-Malagar.
Sa 52-pahinang desisyon ng Supreme Court, pinagmumulta nito ng P30,000 si Badoy dahil sa kaso.
Sa mga post ni Badoy sa kaniyang Facebook page, binanatan at pinagbantaan nito ang buhay ng hukom, makaraan nitong ibasura ang kaniyang petisyon noon sa DOJ na ideklarang teroristang grupo ang CPP-NPA.
Nagbanta rin si Badoy sa kaniyang post na bobombahin ang mga opisina ng mga huwes na kaibigan ng terorista at inakusahan ang mister ng judge na kasapi ng CPP.
Sinabi ng Korte Suprema na ang mga pag-atake sa dignidad ng mga hukuman at mga pag-uudyok ng karahasan o kamatayan ay hindi sakop ng constitutional privilege ng protected speech.
Hindi rin anila dapat balewalain ang mga pahayag ni Badoy, dahil may kapangyarihan ito na mag-udyok ng mga pag-atake sa mga miyembro ng hudikatura lalo na’t marami itong social media followers.
Moira Encina