Ex-Catholic Bishop sa US, inamin ang 25 taon na pagtatakip sa child sex abuse ng mga pari
Binatikos ng isang US association para sa mga biktima ng sexual abuse, ang isang dating obispo ng simbahang Katolika sa estado ng New York, na umaming hindi niya pinansin ang multiple sexual assaults na ginawa ng 11 pari sa mga bata sa nakalipas na 25 taon.
Noong April 2021, si Howard Hubbard, isang dating obispo sa siyudad ng Albany, ay nanumpa at tumestigo sa Korte Suprema ng estado at inamin na mula 1977 hanggang 2002 ay ipinagbigay-alam sa kaniya ang mga pang-aabusong sekswal laban sa mga kabataan, nguni’t hindi niya isinuko sa mga pulis ang mga pari na gumawa nito.
Ang 680-pahinang pahayag ay isinapubliko noong Biyernes sa atas ng isang hukom, na kumuha ng atensiyon ng US media.
Ayon sa statement na inilabas ng Survivors Network of those Abused by Priests (SNAP) nitong Lunes. . . “Now parishioners and the public know concretely that their former bishop was actively involved in covering up abuse. This news will encourage law enforcement to look into this situation and prosecute any crimes that were committed.”
Sa ulat ng local channel, nang tanungin kung bakit siya nanatiling tahimik, sinabi ni Hubbard sa korte na ito ay dahil sa hindi siya isang “mandated reporter” ng mga gawaing pang-aabusong sekswal sa bata.
Ayon sa istasyon, si Hubbard na bumaba sa kanyang puwesto noong 2014, ay umaasang makaiiwas sa panibagong pedophilia scandal na sumisira sa mga paring katoliko sa US.
Gayunpaman, sa isang liham noong Agosto, inamin niya na hindi isinaalang-alang ng simbahan ang epekto ng umano’y mga krimen laban sa mga biktima.
Sa isang pahayag ay sinabi naman ng Diocese ng Albany, na ang prayoridad nila ay ang “proteksiyon at pagtulong sa mga biktima/survivors at pagtuklas sa katotohanan.”
Ang US Catholic Church ay ilang taon nang niyayanig ng mga akusasyon at rebelasyon ng pang-aabusong sekswal na ginagawa ng mga pari.
Noong December 2019, sinabi ng batikano na tinanggp nito ang pagbibitiw ng obispong si Richard Malone mula sa Buffalo diocese, na nasa estado rin ng New York, kasunod ng mga akusasyon na tinangka nitong pagtakpan ang pang-aabusong sekswal.