Dating opisyal ng LTFRB na nagsiwalat sa umano’y katiwalian sa ahensya, hindi nagpakita sa NBI
Bigo si dating LTFRB Executive Assistant Jefferson Tumbado na humarap sa NBI para sa imbestigasyon sa isiniwalat nitong umano’y katiwalian sa ahensya.
Ayon kay Justice Undersecretary Brigido Dulay, wala ring abogado na humarap sa NBI para maging kinatawan ni Tumbado matapos ito na magbitiw.
Sa impormasyon na ibinigay din aniya sa DOJ, sumakit din umano ang ngipin ng dating opisyal kaya hindi rin nakasipot sa NBI.
Pero tiniyak ni Tumbado na handa siyang magpakita sa NBI at makipagtulungan sa imbestigasyon.
Siniguro rin Tumbado na dadalo siya sa ipinatawag na pagdinig ng Kamara.
Nitong Lunes, pinahaharap ng NBI si Tumbado para hingan ng mga ebidensya sa mga alegasyon nito ng kurapsyon sa LTFRB.
Una nang sinabi ni Tumbado na naghatid ng corruption money si suspended LTFRB Chair Teofilo Guadiz III kay Transportation Secretary Jaime Bautista pero binawi nito kalaunan ang testimonya.
Aminado ang DOJ na mahalaga ang magiging pahayag ni Tumbado dahil sa kaniya nanggaling ang alegasyon.
“Kailangan natin talagang hintayin kasi iyon ang ugat ng kontrobersya. So doon natin kukuhanin kung saan tayo tutungo kung ito ay palalawigin pa o ito’y tutuldukan na,” pahayag ni Dulay.
Moira Encina