Dating Pangulong Duterte tinanggihan ang mungkahi na maging anti-drug czar
Tinanggihan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga suhestyon na italaga siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang anti-drug czar.
Pangunahing nagsulong ng mungkahi ang kaniyang mga close allies na sina Senador Christopher ‘Bong’ Go at Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Maging si Philippine National Police Chief General Benjamin Acorda Jr. ay sinabing susuportahan ang pagiging anti-drug czar ni Duterte nang tanungin siya sa isang pagdinig sa Senado.
Pero sa isang panayam ng local TV sa Davao City, sinabi ni Duterte na hindi na siya kumporme sa suhestyon dahil mayroon nang naka-upong Presidente at tungkulin niyang ipatupad ang batas at solusyunan ang mga krimen.
“Let us give Marcos the greatest elbow room leeway to do his job in just one year. In fairness sa mga pulis, ‘yan ang problema… It’s a matter of leadership,” pahayag ni dating Pangulong Duterte sa panayam.
Tinutukoy ni Duterte ang naging kontrobersya sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa drug bust noong nakaraang taon na kinasangkutan ng nasa 990 kg ng shabu at ang sinasabing cover-up sa imbestigasyon nito.
Ang insidente ay kasalukuyan pa ring iniimbestigahan sa Senado.
Sinabi ni Duterte na hiniling niya kay Marcos na ipagpatuloy ang kaniyang drug war kahit na ito ay magkaroon ng pagbabago sa implementasyon.
Sa tala ng gobyerno nasa 6,181 ang mga namatay sa war on drugs ng Duterte administration bagama’t iginigiit ng mga human rights groups na higit pa rito ang mga napatay sa madugong kampanya laban sa illegal drugs.
Ito rin ang nagbunsod kaya’t ipinagharap ng kaso sa International Criminal Court (ICC) si Duterte.
Weng dela Fuente