Dating pulis na pumatay sa nakaalitang mag-ina sa Tarlac, sinentensyahan ng parusang reclusion perpetua
Hinatulang guilty ng Paniqui, Tarlac Regional Trial Court Branch 106 sa kasong murder si dating Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca dahil sa pagpatay sa nakaalitang mag-ina noong nakaraang Disyembre.
Sa desisyon ni Judge Stela Maria Gandia-Asuncion, pinatawan nito ng parusang reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong si Nuezca.
Inatasan din ng hukom si Nuezca na magbayad ng kabuuang danyos na P952,560.
Binaril ni Nuezca ang mag-ina na si Sonia at Frank Gregorio matapos ang alitan ukol sa insidente ng pagpapaputok ng boga at isyu ng right of way.
Ayon sa judge, napatunayan ng prosekusyon na may treachery sa pag-atake ni Nuezca sa mga biktima.
Paliwanag ng hukom, mabilis, biglaan at sunud-sunod ang ginawang pagbaril ng akusado kaya hindi nadepensahan ng mga biktima ang kanilang sarili.
Hindi rin aniya alam ng mga biktima na may bitbit na baril si Nuezca.
Tinanggap na ebidensya ng korte ang cellphone video ng insidente na una nang nag-viral sa social media.
Moira Encina