Dating US President at Nobel Peace Prize winner Jimmy Carter, namatay na sa edad na 100
Namatay na sa edad na 100 ang dating pangulo ng Amerika at Nobel Peace Prize winner na si Jimmy Carter, sa kanilang tahanan sa Plains, Georgia nitong Linggo. December 29.
Si James Earl Carter, Jr., ay isinilang noong October 1, 1924, sa Plains, Georgia, isa sa apat na anak ng isang magsasaka at shopkeeper. Nagtapos siya sa US Naval Academy noong 1946, at nagsilbi sa nuclear submarine program at umalis upang asikasuhin ang peanut farming business ng pamilya.
Sa isang pahayag ay sinabi ni US President Joe Biden, na ipinag-utos na niya na ang January 9 ay maging isang national day of mourning sa buong Estados Unidos para kay Carter.
Isang Democrat, si Carter ay naging pangulo noong January 1977 makaraang talunin ang incumbent Republican president na si Gerald Ford sa 1976 election. Nagkaroon lamang siya ng isang termino.
Muli siyang tumakbo para sa re-election noong 1980, ngunit dinaig ng landslide votes para sa Republican challenger na si Ronald Reagan, isang dating aktor at California governor.
Si Carter ay nabuhay nang mas mahaba kaysa sinumang naging US president at pagkatapos umalis sa White House, ay nagkaroon ng isang reputasyon bilang isang committed humanitarian.
Sa pananaw ng nakararami, mas naging mahusay siyang “dating pangulo” kaysa “pangulo,” isang kalagayang agad naman niyang tinanggap.
Nagbigay pugay naman ang world leaders at mga dating pangulo ng U.S., sa isang lalaki na pinuri nila bilang madamayin, mapagpakumbaba, at committed sa pagkakaroon ng kapayapaan sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Egyptian President Abdel Fattah al-Sisi sa isang post sa social media, “His significant role in achieving the peace agreement between Egypt and Israel will remain etched in the annals of history.”
Sinabi ng Carter Center, na magkakaroon ng public observances sa Atlanta at Washington. Susundan ito ng isang pribadong libing sa Plains.
Ayon pa sa center, nakapending pa ang final arrangements para sa state funeral ng dating pangulo.
Former U.S. Presidents Jimmy Carter and Gerald Ford point in different directions while calling on reporters wanting to ask questions at a press conference in Panama City, Panama, May 5, 1989. REUTERS/Dematteis/File Photo
Nitong nakalipas na mga taon, si Carter ay dumanas ng ilang health issue kabilang na ang melanoma na kumalat sa kaniyang atay at utak, at sumailalim na rin sa iba’t ibang serye ng gamutan.
Noong Pebrero 2023, nagpasya ito na manatili na lamang sa bahay na inaalagaan ng ilang medical experts.
Ang kaniyang asawang si Rosalynn Carter, ay namatay noong November 19, 2023, sa edad na 96.
Si Carter ay pinagkalooban ng Nobel Peace Prize noong 2002 para sa kaniyang mga pagsisikap na i-promote ang karapatang pantao at resolbahin ang hidwaan sa buong mundo, mula sa Ethiopia at Eritrea hanggang sa Bosnia at Haiti. Ang kaniyang Carter Center sa Atlanta ay nagpapadala ng international election-monitoring delegations sa mga eleksiyon sa buong mundo.
Noong 2010, ay nagawa ni Carter na mapalaya ang isang Amerikano na sentensiyado ng walong taong haed labor dahil sa ilegal na pagpasok sa North Korea.
Si Carter ay nakapagsulat na ng mahigit sa dalawang dosenang libro, mula sa isang presidential memoir hanggang sa children’s book at poetry, maging ng mga libro tungkol sa religious faith at diplomacy.
Ang kaniyang libro na Faith: A Journey for All, ay nailathala noong 2018.