DBM, hiniling sa Kamara na huwag buwagin ang PS-DBM
Umapela si Budget Secretary Amenah Pangandaman sa mga mambabatas ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na bigyan pa ng pagkakataon ang Procurement Service ng Department of Budget and Management o PS-DBM
Ginawa ni Pangandaman ang panawagan sa isinagawang unang araw ng National Budget deliberations sa Kongreso.
Sinabi ni Pangandaman na noong panahon ni Secretary Benjamin Diokno sa DBM nakatipid ang gobyerno ng 18 bilyong piso dahil sa mahusay na pamamalakad sa PS-DBM.
Ayon kay Pangandaman mayroon ng bagong competent na namumuno sa PS-DBM sa katauhan ni Atty. Dennis Santiago na magpapatupad ng mga reporma.
Inihayag ni Pangandaman na bigyan pa sana ng Kongreso ang PS DBM ng pagkakataon na maisaayos ang problema.
Magkagayunman ipinauubaya ni Pangandaman sa Kongreso ang desisyon kung tuluyan ng bunuwagin ang PS-DBM.
Naging mainit sa mga mambabatas ang PS-DBM matapos masangkot sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga protective equipment ng Department of Health o DOH na ginamit ng mga medical frontliners sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19 at ang kuwestiyonableng pagbili ng mga laptop ng Department of Education o DepEd na ipapamahagi sa mga guro sa pampublikong paaralan sa bansa.
Vic Somintac