DBM iginiit na napapanahon ng magkaroon ng sovereign fund ang Pilipinas
Ngayon ang tamang panahon para magkaroon ng sovereign investment fund ang bansa.
Ito ang iginiit ni Budget Secretary Amenah Pangandaman sa ginawang Kapihan sa Manila Bay News Forum, sa gitna ng mainit na isyu ng panukalang Maharlika Investment Fund.
Batay na rin aniya ito sa report ng Milken Institute ng Singapore na kinatuwang ng gobyerno kaugnay ng ginawang pag-aaral sa sovereign fund.
Sa isyu naman na hindi ito ang tamang panahon dahil sa pandemya, inihalimbawa ni Pangandaman ang Indonesia na sa kasagsagan ng pandemya noong 2020 nagkaroon ng ganitong investment fund at naging matagumpay naman.
Nagsimula lang aniya ito sa 5 bilyong dolyar na investment fund pero makalipas ang mahigit 2 taon, nasa 22.5 bilyong dolyar na ito.
Iginiit rin nito na hindi minadali ang panukala dahil pagdating sa plenaryo ng Kamara tiyak na dadaan din ito sa mabusising pagsusuri.
Kung may mga bigo o pumalpak na investment fund ang ibang bansa, may mga naging matagumpay rin naman aniya at ang best practices ng mga ito ang kanilang gagayahin.
Madelyn Villar – Moratillo