DBM, naglaan na ng pondo para sa libreng sakay sa bus ng gobyerno hanggang Disyembre–DOTr
Kabuuang P1.4 bilyon na pondo ang inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) para sa libreng sakay sa EDSA Bus Carousel ng gobyerno hanggang sa Disyembre.
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na tiniyak sa kaniya mismo ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na may pondo na para mapalawig ang libreng sakay sa bus hanggang katapusan ng taon.
Hindi pa batid ng kalihim kung kailan maibibigay ang pondo.
Pero sa ngayon aniya, may sapat pa na budget ang Department of Transportation (DOTr) para maipagpatuloy ang libreng sakay program hanggang sa Setyembre.
Una nang iniutos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa DOTr na palawigin ang free ride program upang mabawasan ang gastusin ng mga mananakay na bumabangon pa mula sa epekto ng pandemya.
Samantala, pinangunahan ng transportation chief ang pagpapasinaya ng dalawang karagdagang EDSA Busway Stations sa Roxas Boulevard at Taft Avenue.
Ang nasabing busway system ay dedicated median lane para sa mga bus ng EDSA Carousel.
Tiwala ang DOTr na makatutulong ang median bus stops para maibsan ang bigat ng daloy ng trapiko at mapaikli ang travel time ng mga pasahero.
Plano pa ng DOTr na maglagay ng busway stops sa iba pang ruta.
Umapela naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na huwag sumingit o pumasok sa EDSA busways para iwas aksidente at pagkakaroon ng mabigat na trapiko.
Moira Encina