Deadline ng aplikasyon para sa 2022 Bar Exams, pinalawig ng isang buwan
Mayroon pa hanggang Agosto 15 ang mga law graduates na interesado na magsumite ng aplikasyon para sa 2022 Bar Examinations.
Sa pinakahuling bar bulletin na inisyu ni 2022 Bar Exams Chair at Supreme Court Justice Alfredo Benjamin Caguioa, mula sa orihinal na Hulyo 15 ay pinalawig pa ng isang buwan ang deadline ng paghahain ng aplikasyon ng mga nais na kumuha ng bar exams.
Ayon kay Caguioa, ito ay bunsod ng magkakaiba na academic calendars ng mga law schools sa bansa.
Ito ay para na rin mabigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante na maghanda at magsumite ng requirements habang tinitiyak na may sapat na oras ang mga tanggapan ng SC na beripikahin at iproseso ang mga aplikasyon.
Una nang sinabi ni Caguioa na idaraos ang bar exams sa Nobyembre na mananatiling computerized.
Moira Encina