Death Penalty, isinusulong vs private armies na masasangkot sa krimen
Nais ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na patawan ng death penalty at bumalangkas ng mas malakas na batas laban sa mga security personnel at mga private army na nasasangkot sa mga kadumal dumal na krimen.
Ilan lamang ito sa rekomendasyon ng Committee on Public Order na pinamumunuan ni dela rosa matapos ang isinagawang marathon investigation sa nangyaring pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang serye ng karahasan sa lalawigan.
Ayon sa Senador, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na nagamit ng mga dating security personnel gaya ng mga dating sundalo ang kanilang training, skills at kaalaman para pumatay.
Nais rin ni dela Rosa na pa-amyendahan ang section 69 ng Omnibus Election Code o ang isyu ng mga nuisance candidate.
Sa pagdinig kasi ng senado, sinabi ni Pamplona Mayor Janice Degamo na naniniwala syang pulitika ang dahilan ng pagpatay sa kanyang asawa.
Itoy matapos matalo ng kaniyang asawa ang kampo ni dating Governor Henry Pryde Teves kahit pa nagpatakbo umano ang kanilang kalaban ng isang nuisance candidate na kapangalan ng gobernador
Pina-a-amyendahan rin ng Senador ang Local Government Code para matiyak na nasa kamay ng pinuno ng Philippine National Police (PNP) ang kapangyarihan para mag-appoint ng police provincial directors at wala sa kapangyarihan ng local governnment officials
Sinabi ni dela Rosa na ang mga panukalang ito ang nakikita nilang solusyon para hindi na maulit ang mga ganitong insidente
“We emphasize that this is in aid of legislation. Paano ba makakatulong ang senado? Anong mga polisiya ang kailangang gawin at anong batas ang kailangan nating amyendahan?,” paliwanag pa ni dela Rosa.
Iminungkahi naman ng Senador ang mas mahigpit na patakaran sa pagbebenta at paggamit ng mga military at police uniforms at hindi na dapat magamit ng mga natanggal na sa serbisyo
Pagli-linaw naman ni dela Rosa, hindi pa tinatapos ng senado ang imbestigasyon sa kaso.
Katunayan, may mga itinakda pa silang pagdinig sa sitwasyon ng law and order sa lalawigan.
Partikular aniya nilang tutukan ang mga reklmao sa land grabbing, e-sabong at illegal gambling kasama na ang ginagawang pangha-harass at pananakot ng mga umanoy private armies at pagkakasangkot ng ilang pulis sa mga negosyante doon.
Meanne Corvera