Death toll sa Bohol dahil sa bagyong Odette umakyat pa sa 63
Naragdagan pa ang bilang ng mga namatay sa Bohol kasunod ng pananalasa ng bagyong Odette.
Ayon sa Provincial Government, mula sa 50 ay sumampa sa 63 ang death toll sa lalawigan.
Sa post ni Bohol Governor Arthur Yap sa kaniyang facebook page, ang bilang na ito ay mula sa datos na nakalap ng 33 LGU.
Ubay: 12
Pres. Carlos P. Garcia: 5
Loon: 5
Inabanga: 4
Catigbian: 4
Buenavista: 4
Tubigon: 3
Alicia: 3
Antequera: 3
Maribojoc: 2
Batuan: 2
Getafe: 2
Trinidad: 2
Calape: 2
Jagna: 2
Valencia: 2
Panglao: 1
Pilar: 1
Talibon: 1
Loboc: 1
Candijay: 1
Clarin: 1
Pero ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, wala pa dito ang ulat mula sa 15 LGU na hanggang ngayon ay bagsak pa rin ang linya ng komunikasyon.
Samantala, ayon sa Bohol Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa 32,390 pamilya o 59,860 indibidwal ang nasa evacuation centers pero inaasahang tataas pa ang bilang na ito.
Sinabi ng Gobernador, unang pagkakataon silang nakaranas ng napakalakas na bagyo na umabot sa Signal no. 4.
Patuloy na umaapila ang Provincial government ng karagdagang tulong gaya ng pagkain partikular ang mga ready-to-eat foods para sa mga evacuee.
Nanawagan din si Yap ng donasyon para sa nasa 300 generator sets na maaaring magamit para paganahin ang mga water refilling station sa lalawigan.
Binigyag-diin ni Yap na hindi sila makatatagal kung maghihintay pa ng 2 hanggang 3 linggo para marepair ang transmission lines.
Kailangan aniya nila ng 200-250 15 hp single phase generators na magsusuplay ng inuming tubig para sa mga residente.