Death toll sa magnitude 7.2 na lindol sa Haiti, pumalo na sa mahigit 300; State of Emergency, idineklara na
Pinangangambahang madaragdagan pa ang death toll kasunod ng magnitude 7.2 na lindol sa Haiti, Sabado ng umaga.
Ayon sa civil defense agency, sa ngayon ay sumampa na sa 304 ang bilang ng mga namatay habang nasa higit 2,000 naman ang sugatan.
Naitala ang episentro ng lindol sa 12 kilometers Northeast ng Saint-Louis-du-Sud at may lalim na 10 kilometers.
Nauna nang nag-isyu ang Us Tsunami Warning system ng tsunami alert sa rehiyon dahil sa posibleng pagtaas ng alon hanggang 9.8 feet pero binawi din ang alert warning.
Matapos ang malakas nalindol ay naramdaman ang magnitude 5.2 aftershock at nakapagtala ng siyam pang mga aftershock ang USGS.
Ayon sa mga otoridad, pinaka-naapektuhan ng lindol ay ang Caribbean sa Southwestern peninsula ng Haiti.
May mga ulat na nasa 160 katao ang namatay mula sa South Department pa lamang, libu-libong mga kabahayan ang nawasak at punuan na ang mga ospital sa tatlong municipalities ng Pestel, Corailles at Roseaux.
Nagdeklara na ng State of Emergency si Prime Minister Ariel Henry dahil sa lawak ng pinsala.
Nanawagan din ito sa kaniyang mga kababayan ng pagkakaisa at iwasan ang mag-panic.
Matatandaang January ng 2010 nang yanigin ng magnitude 7.0 na lindol ang Haiti at nag-iwan ng 316,000 kataong patay at halos 300,000 ang sugatan habang nasa 1.3 million ang nawalan ng tirahan.