Defense simulation laban sa China attack sa pamamagitan ng artillery drill, sinimulan na ng Taiwan
Sinimulan na ng Taiwan military ang defense simulation sa pamamagitan ng isang live-fire artillery drill, ilang araw matapos ang malawakang Chinese war games.
Kinumpirma ni Lou Woei-jye, tagapagsalita para sa Eighth Army Corps ng Taiwan, na ang drills ay nagsimula sa southern county ng Pingtung sa pamamagitan ng pagpapakawala ng target flares at artillery. Ang drills ay tumagal ng isang oras.
Nang pakawalan ang huling round ng cannon, ay maririnig ang Taiwanese soldiers na sumisigaw ng “mission accomplished”.
Noong isang linggo ay naglunsad ang China ng pinakamalaki nilang war games sa paligid ng Taiwan, bilang pagalit na tugon sa pagbisita doon ni US House Speaker Nancy Pelosi, ang pinakamataas na opisyal ng US na bumisita sa bansa.
Ang Taiwan ay laging pinagbabantaan ng China na kanilang sasakupin, dahil itinuturing nila ito na bahagi ng Chinese territory na isang araw ay kanilang sasakupin sa pamamagitan ng puwersa kung kinakailangan.
Ayon sa army, ang military drills ngayong Martes na muling isasagawa sa Huwebes, ay kapapalooban ng deployment ng daan-daang troops at humigit-kumulang 40 howitzers.
Sinabi naman ni Lou, na ang drills ay naka-schedule na at hindi sagot sa ginawang exercises ng China.
Ang isla ay karaniwan nang nagsasagawa ng defense simulation laban sa isang Chinese invasion sa pamamagitan ng military drills, at noon lang nakalipas na buwan ay nag-practice sila ng repelling attacks mula sa karagatan sa isang “joint interception operation” bilang bahagi ng pinakamalaki nilang annual exercises.
Bago ang drill ngayong Martes, ay kinondena ng Taipei ang Beijing sa pagsasagawa ng kanilang military exercises sa paligid ng isla.
Ayon sa pahayag ng foreign ministry, “China’s provocation and aggression have harmed the status quo of the Taiwan Strait and raised tensions in the region.”
Subalit ayon sa Taiwan, wala namang Chinese warplanes o warships na pumasok sa kanilang territorial waters — o sa loob ng 12 nautical miles ng lupain sa panahon ng Beijing drills.
Gayunman, noong isang linggo ay nagpalabas ng video ang Chinese military, ng isang air force pilot habang kinukunan nito ng video ang baybayin at kabundukan ng isla mula sa kaniyang cockpit, na nagpapakita kung gaano na ito kalapit sa pampang.
Nagpakawala rin ng ballistic missiles sa ibabaw ng kapitolyo ng Taiwan sa panahon ng isinagawang exercises noong isang linggo ayon sa Chinese state media.
Ang lawak at tindi ng mga drill ng China, pati na rin ang pag-atras nito sa mga pangunahing usapin tungkol sa klima at depensa, ay nagpagalit sa Estados Unidos at iba pang demokratikong mga bansa.
Subalit ipinagtanggol ng Beijing ang naging kilos nila sa pagsasabing iyon ay “matatag, malakas, at akma” sa probokasyon ng Amerika.
Ayon kay Taiwan foreign ministry spokesman Wang Wenbin, “(We) are only issuing a warning to the perpetrators, and we promise that China would firmly smash the Taiwan authorities’ illusion of gaining independence through the US.”
@Agence France-Presse