Deklarasyon ng Kasarinlan ginunita sa Kawit, Cavite
Pinangunahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang selebrasyon para gunitain ang ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite.
Sa harap ng mansion ni Heneral Emilio Aquinaldo, unang Presidente ng Pilipinas, muling iwinagayway ang bandila ng Pilipinas bandang alas-ocho ng umaga.
Sa kaniyang talumpati, sinariwa ni Bersamin ang mga pangyayari noong iproklama ni Gen. Aquinaldo sa Kawit, Cavite ang kalayaan ng Pilipinas.
Ayon kay Bersamin, noong June 5, 1898 ay naglabas ng decree si Gen. Aguinaldo na nagtakda sa June 12, 1898 bilang araw ng proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas.
Ang sumulat ng proklamasyon na si Ambrocio Bautista na adviser ni Aguinaldo naman ang nagbasa ng proklamasyon.
Umaabot aniya sa 21 pahina ang proklamasyon na nilagdaan ng 97 kinatawan ng mga napalayang lalawigan at isang Amerikanong artillery officer.
Sinabi pa ni Bersamin na noong june 12, 1898 ang opisyal na unfurling o pagwagayway ng watawat ng Pilipinas na mula sa Hongkong.
Sa nasabing makasaysayang araw din unang pinatugtog ng banda San Francisco de Malabon ang Pambansang Awit ng Pilipinas na nilikha ni Julian Felipe, bagama’t wala pa itong mga titik o lyrics.
Samantala, Itinuloy din ang socio-civic parade sa lugar sa kabila ng pag-ulan.
Kabilang sa mga dumalo si Cavite 7th District Representative Crispin Diego Remulla, Kawit Mayor Angelo Emilio Aguinaldo, at Kawit First District Representative Ramon Jolo Revilla III.
Mahigpit ang seguridad na ipinatupad ng pulisya sa bahaging ito ng Kawit.
Isinara pansamantala ang bahagi ng Tirona Hi-way mula CAVITEX exit hanggang Potol-Magdalo.
Nagpatupad din ng no drone policy ang Kawit PNP at tanging ang drones mula sa Kawit LGU PIO lamang ang pinahintulutan.
Kabilang din sa mga aktibidad na inilatag ngayong Independence Day celebration ang job at trade fair, cultural show at pagbubukas ng exhibition ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Museo ni Emilio Aguinaldo.
Moira Encina