Deliberation ng Kamara sa 2024 budget proposal ng DOH na-sentro sa isyu ng utang ng philhealth sa mga hospital
Hindi pinalagpas ng mga kongresista na miyembro ng House Committee on Appropriations na tumatalakay sa 2024 proposed budget ng Department of Health o DOH na nagkakahalaga ng 311.3 billion pesos ang isyu sa utang ng Philippine Health Insurance o Philhealth sa mga hospital noong kasagsagan ng pananalasa ng pandemya ng COVID 19 sa bansa.
Inamin ni Philhealth Executive Vice President at Chief operating officer Eli Dino Santos sa House Committe on Appropriations na umabot sa 27 billion pesos ang hindi nababayarang utang ng Philhealth sa ibat-ibang hospital sa bansa.
Ayon sa opisyal hindi perang pambayad sa mga pinagkakautangang hospital ang problema dahil ang Philhealth ay mayroong net annual income na 120 billion pesos.
Niliwanag ng Philhealth na ang pangunahing dahilan ng pagkakaantala sa pagbabayad ng utang ng ahensiya sa mga hospital ay ang mabagal na verification process dahil hindi pa digitalized ang sistema at kasalukuyan pa lamang itong ginagawa sa tulong ng Department of Information and Communications Technology o DICT.
Ang pagkakautang ng Philhealth sa mga hospital ang dahilan din kaya hindi na tinatanggap ng mga pagamutan ang mga pasyenteng miyembro ng Philhealth na nagiging dahilan ng malaking problema sa health services sa bansa partikular ng mga mahihirap na mamamayan.
Nangako naman ang pamunuan ng Philhealth na sa loob ng 90 araw ay mababayaran na ang 27 billion pesos na utang sa ibat-ibang mga hospital gamit and debit credit payment mechanism formula.
Vic Somintac