Delta variant ng COVID-19 sa CALABARZON, umakyat na sa 148
Nadagdagan pa ang kaso ng Delta variant ng COVID-19 sa CALABARZON.
Ayon sa DOH CALABARZON- Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), kabuuang 148 Delta cases na ang naitala sa rehiyon.
Pinakamarami rito ay sa Laguna na 48 at sumunod ang Cavite na may 44 na kaso ng Delta variant.
Umaabot naman sa 33 ang kaso ng Delta sa Rizal, 15 sa Batangas, at walo sa Quezon.
Sinabi ni DOH CALABARZON Regional Director Eduardo Janairo na mula sa kabuuang bilang, apat ang fully vaccinated, 13 ang nakatanggap ng unang dose ng COVID vaccines, 58 ang hindi pa bakunado, at ang 81 ay biniberipika pa.
Ayon pa kay Janairo, 102 ay local cases, 24 ay returning OFWs at 22 ay for verification.
Gayunman, nilinaw ng opisyal na wala nang aktibong kaso ng Delta variant sa Region IV-A.
Nakarekober na aniya sa sakit ang 56 habang may pumanaw na dalawa.
Binigyang-diin ni Janairo ang kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa virus dahil base sa datos ay mas maraming nahahawa ng sakit na hindi naturukan.
Moira Encina