Delta variant sa US, muling nagpainit sa debate tungkol sa pagsusuot ng mask
WASHINGTON, United States (AFP) – Ang pinakahuling bugso ng COVID-19 dulot ng Delta variant, ay muling nagpainit sa political controversy tungkol sa pagsusuot ng face mask sa Estados Unidos, kung saan ilang gobernador ang tumututol sa lahat ng mga hakbang para gawing mandatory ang pagsusuot ng masks, sa kabila ng payo ng health authorities.
Noong Mayo ay sinabi ng US Centers for Disease Control (CDC) and Prevention, na mababa na ang panganib na mahawa o makahawa ang mga Amerikanong bakunado na, kayat hindi na nila kailangang magsuot ng masks.
At sa mga unang bahagi ng July ay tiniyak ng CDC sa mga magulang, na aplikable rin ito sa mga batang bakunado na simula sa pasukan ng susunod na taon, na kalimitang nagsisimula ng Agosto o Setyembre.
Subalit nagkaroon ng pagbabago sa pagtatapos ng July, dahil muling inirekomenda ang pagsusuot ng facemask sa indoor spaces kahit sa mga bakunado na, sa mga lugar na may mataas na rates ng pagkalat ng virus.
Ibinase ng health authorities ang kanilang rekomendasyon sa data na nagpapakita na mas mabilis na naikakalat ang Delta variant ng mga taong bakunado na pero nahawaan nito, kaysa mga nahawaan ng iba pang variant.
Sa ngayon, mas marami nang mga negosyo ang nagpatupad ng muling pagsusuot ng masks.
Agence France-Presse