Department of Education, nakikiisa sa pagdiriwang ng Asean Month ngayong Agosto
Kaisa ng buong bansa ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa pagdiriwang ng ASEAN Month ngayong Agosto, na may temang “Bayanihan like ASEAN! Leveraging Education Cooperation to Strengthen ASEAN Identity.”
Mula sa bisa ng Presidential Proclamation No. 282, s. 2017, idineklara ang ASEAN Month sa Pilipinas na kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkatatag ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) tuwing Agosto 8.
Patuloy ang pakikipagtulungan ng DepEd sa ASEAN upang isakatuparan ang regional development sa edukasyon sa pamamagitan ng ASEAN Education Ministers Meeting (ASED) and the Senior Officials Meeting on Education (SOM – ED).
Sa pangunguna ng External Partnerships Service (EPS) – International Cooperation Office (ICO), nakatuon ang pagdiriwang ngayong taon sa pagdaraos ng mga forum at talakayan tampok ang mga kilalang personalidad mula sa larangan ng foreign affairs, akademya, youth development, gayundin ang social media campaign na may layuning maipalaganap ang kaalaman patungkol sa ASEAN at ang kahalagahan ng regional cooperation sa youth empowerment at sa edukasyon.