DepEd officials nadiin sa pagdinig ng Senado
Muling nakastigo ang mga opisyal ng Department of Education sa isyu ng umano’y anomalya sa pagbili ng mga mamahaling laptop para sa mga guro.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinita ni Senador Jinggoy Estrada ang DepEd matapos niyang madiskubre na nilimitahan sa iilang kumpanya ang kontrata.
Ayon sa Senador bago pa mangyari ang anomalya sa 2.4 billion na kontrata sa laptop, regular na palang bumibili ang deped ng laptop at iba pang IT requirements sa limang kumpanya.
Kabilang na rito ang Advance Solutions, Inc., Columbia Technologies, Inc., Reddot Imaging Philippines, Inc.,Techguru Inc. at Girltekki Inc.
Hindi rin umano dumaan sa bidding ang mga kontrata na malinaw na paglabag sa procurement law.
Sagot ng DepEd, nagsusumite naman raw ng requirements ang ilang kumpanya pero madalas ang lima ang nananalo hinahati rin daw ang kontrata sa pangambang hindi makapag comply ang ibang kumpanya sa requirements ng kontrata.
Pero giit ni Estrada dapat malaya ang nagiging patakaran ng DepEd para sa mas malawak ring kumpetisyon.
Personal namang dumalo sa pagdinig si Dating PS-DBM Chief Lloyd Christopher Lao.
Inamin ni Lao na pirma at mga initials ang nasa sulat at ilang dokumento sa kontrata ng DepEd at PS-DBM sa isyu ng pagbili ng laptop.
Nauna nang sinabi ni Lao na wala na siya sa PS-DBM nang mangyari ang procurement ng 2.4 bilyong pisong halaga ng laptop.
Ang dokumento ay may petsang April 28, 2021 pero nagbitiw si Lao noong May 1, 2021
Sa simula lang ng hearing inimbitahan ng Senado ang isang Atty. Jose Crisologo na sinasabing nagnotaryo ng memorandum of agreement (MOA) pero lumitaw na namatay na pala ito.
Meanne Corvera