Deportasyon sa dalawang Japanese fugitives, tuloy ngayong Martes
Nakatakdang ipadeport ngayong Pebrero 7, Martes ang dalawa sa apat na puganteng Hapon na isinasangkot sa mga serye ng malalaking nakawan sa Japan.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, tuloy mamayang 9:00 ng umaga ang biyahe pabalik ng Japan nina Kiyoto Imamura at Toshiya Fujita.
Wala nang pending na kasong kriminal laban sa dalawa matapos mabasura kaya wala nang hadlang sa kanilang deportasyon.
Sina Imamura at Fujita ay sasakay ng Japan Airlines kasama ang mga escort na Japanese police.
Sa Miyerkules naman aniya inaasahan maipapatapon pabalik ng Japan ang dalawa pang Japanese fugitives na sina Yuki Watanabe at Tomonobu Saito.
Umaasa ang kalihim na ngayong Martes ay mapagpapasyahan na ng korte sa Pasay ang mosyon ng DOJ na mabasura ang kaso laban sa dalawa para tuluyan na silang maipadeport.
Moira Encina