Desisyon ng CA sa rubber boats anomaly, binaligtad ng SC
Binaligtad ng Supreme Court ang desisyon ng Court of Appeals na nag-aabswelto sa isang opisyal ng PNP kaugnay sa maanomalyang pagbili ng mga depektibong rubber boats noong 2009.
Sa desisyon ng Supreme Court Third Division, pinaboran nito ang petisyong inihain ng Office of the Deputy Ombudsman for Military and Other Law Enforcement Officers na mapawalang bisa sa mga resolusyon ng CA noong December 2014 ar March 2016 na nag-a-abswelto kay Police Senior Supt. Luis Saligumba sa kasong simple neglect of duty.
Kaugnay nito, kinatigan ng Korte Suprema ang pagsuspinde ng Ombudsman kay Saligumba sa loob ng anim na buwan nang walang sweldo.
Ayon sa Korte Suprema, nagpabaya si Saligumba, bilang myembro ng Inspection and Acceptance Committee, nang hindi niya personal na inspeksyunin ang mga dineliver na rubber boat at makina at umasa lang sa report ng mga eksperto.
Ang kaso ay may kinalaman sa pagbili ng PNP sa 75 rubber boat at 18 spare engine o outbound motors para sa PNP Maritime Group na nagkakahalaga ng halos ₱132M.
Ulat ni: Moira Encina