Desisyon ng SC na payagan ang commercial fishing sa loob ng 15-km municipal water zone, kinuwestiyon ng iba’t ibang grupo ng mga mangingisda at LGUs

Sumugod sa Korte Suprema ang ilang grupo ng mangingisda kasunod ng desisyon nito na pahintulutan ang commercial fishing corporations, sa 15-kilometer municipal waters zone na anila’y legal na nakareserba sa maliliit na mga mangingisda.

Nababahala ang mga mangingisda at ilang LGUs na apektado sa masamang epekto sa kanilang hanapbuhay at sa kalikasan, ang ruling ng SC na nagdideklarang labag sa Saligang Batas ang 15-kilometer municipal waters zone.

Ayon kay Pablo Rosales, presidente ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Mangingisda, “Naubos na ang likas na yaman sa municipal water kaya dito kami sa harap ng korte suprema, nananawagan na sana ang desisyon ng first division ng korte suprema ay irebyu nang husto, kung kanino ito pumapabor, sino pinapanigan ng ganitong desisyon. Yung iiang kapitalista na nagpayaman. “

Aniya, “Mayaman na sila. Sila ang umuubos sa likas na yaman. Tama na pagpapayaman, ibigay naman sa mangingisda ang likas na yaman na pinagpaguran namin.”

Kaugnay nito, naghain ang mga grupo kasama ang ilang LGUs at environment support group ng petition to intervene sa kaso para marinig ang panig ng mga mangingisda.

Iginiit ng petitioners na dapat pakinggan ng SC First Division ang mga maliliit na mangingisda at repasuhin ang kanilang desisyon.

Sinabi ni Atty. Michael de Castro, legal counsel ng petitioners, “Hindi sila pinakinggan kung saan mismong karapatan nila ang binawi. Hindi tama yun sa ating konstitusyon. Sa fisheries code, ang municipal waters nasa jurisdiction ng LGUs pero hindi kasama ang kahit anong LGUs dito sa proceeding. Dito mismo sa korte suprema ang pinuprotektahan maliliit na mangingisda, pero ni isang mangingisda wala.”

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *