Desisyon ng Securities and Exchange Commission na ipasara ang operasyon ng Rappler, pinuri ng Office of the Solicitor General
Nakahanda ang Office of the Solicitor General o SOLGEN na idepensa ang Securities and Exchange Commission o SEC sa desisyon nito na ipawalang bisa ang Certificate of Incorporation ng News website na Rappler.
Ayon kay Solicitor General Jose Calida, malaya ang Rappler na iakyat sa Korte ang kautusan ng SEC na ipasara ito.
Pinuri ni Calida ang nasabing desisyon ng SEC dahil ipinapakita nito na kahit ang mga maimpluwensyang media outfits ay hindi maaaring paikutin ang mga restriction ng Saligang Batas.
Batay sa SEC ruling, nilabag ng Rappler ang foreign equity restriction na nakasaad sa saligang batas.
Alinsunod sa probisyon, ang pagmamay-ari at pangangasiwa ng mass media sa bansa ay limitado lamang sa mga Pilipino, sa mga korporasyon, kooperatiba at assosasyon na buong pagmamay-ari ng mga Pilipino.
Una nang hiniling ng OSG sa SEC na imbestigahan ang Rappler at ang shareholder nito na Rappler holding corporation para sa posibleng paglabag sa 1987 constitution na nagtatakda ng 100 percent na filipino- ownership ng media organization.
=== end ===
Ulat ni Moira Encina