Desisyon sa impeachment ni South Korean President Yoon Suk Yeol, ilalabas na sa Biyernes, Abril 4

0
Desisyon sa impeachment ni South Korean President Yoon Suk Yeol, ilalabas na sa Biyernes, Abril 4

Courtesy: Reuters

Hiniling ng South Korean interim leader sa publiko na maging mahinahon sa pagtanggap sa magiging desisyon ng Constitutional Court sa impeachment ni President Yoon Suk Yeol.

Kaugnay nito ay pinaigting pa ng pulisya ang seguridad sa paligid ng korte, bago ang pagbasa ng desisyon sa Biyernes, Abril a-kuwatro.

Sa isang ministerial meeting on safety bago ang ruling, mahigpit na hiniling ni acting President Han Duck-soo sa mga pulitiko, na huwag gumawa ng anumang komento na maaaring magpasiklab sa karahasan.

Aniya, “The government will not tolerate any illegal or violent acts. No matter what decision is made, we must accept the results calmly based on the rule of law. If we can become one again with your strength and wisdom, we can overcome this crisis of confusion and conflicts.”

Ayon sa Constitutional Court, na nagrerepaso sa impeachment ni Yoon kaugnay ng kaniyang martial law order, i-aanunsiyo nila sa Biyernes, April 4, ang desisyon kung permanente nang aalisin sa puwesto o papananatilihin pa ito.

Matatandaan na si Yoon ay ipina-impeach noong Disyembre 14 makaraang akusahan ng paglabag sa kaniyang constitutional duty, sa pamamagitan ng pagdedeklara ng martial law sa mga unang bahagi ng Disyembre na walang makatwirang batayan.

Sakaling pagpasyahan ng korte na patalsikin si Yoon, isang bagong presidential election ang dapat na isagawa sa loob ng animnapung araw.

Pinaigting naman ng South Korean police ang seguridad sa paligid ng korte, at naghahandang i-deploy ang lahat ng kanilang puwersa simula hatinggabi bago ang Biyernes.

Sinabi ni acting chief for the national police force, Lee Ho-young, “The area around the court would be turned into a ‘vacuum state’ to restrict access and cordon off pro-and anti-Yoon rallies to prevent any potential clashes.”

Nangakong kikilos ng tahimik, sinabi ni Lee na aarestuhin ng pulisya ang sinumang magdudumi sa mga pasilidad, magbabanta sa mga mahistrado o mananakit ng mga pulis.

Noong Enero, daan-daang supporters ni Yoon ang sumugod sa isang gusali ng korte matapos na ma-extend ang detention nito, kung saan binasag nila ang mga bintana at sapilitang pumasok sa loob.

Inatasan ni Han ang mga pulis na dagdagan ang seguridad para sa mga mahistrado ng constitutional court justices.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *