Desisyon sa mga kahilingan ng price increase ilalabas ng DTI sa loob ng 2-3 linggo
Tinitignan ng Department of Trade and Industry (DTI) na makagawa ng desisyon sa loob ng 2-3 linggo, tungkol sa mga kahilingan mula sa manufacturers na magtaas ng presyo sa basic goods.
Sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, na sa loob ng 2-3 linggo ay pag-aaralan ito at kokonsultahin ang mga stakeholders.
Sa isang panayam ay sinabi ni Lopez, na nakatanggap sila ng mga kahilingan para sa price adjustments ng 33 Basic Necessities and Prime Commodities (BNPC), sa gitna na rin ng pagtaas sa halaga ng petrolyo na dulot ng hidwaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Aniya, kabilang sa mga produktong ito ay de-latang sardinas, gatas at de-latang karne.
Ayon kay Lopez . . . “All these are being reviewed by the Consumer Protection Group. The Suggested Retail Prices (SRPs) of BNPCs cannot be adjusted without having to go through DTI’s approval.”
Sinabi pa nito na hindi aalisin ang SRP system dahil ito ang nagsisilbing guide para BNPCs.
Sa pag-aaral sa nasabing kahilingan para sa price adjustments ng BNPCs, titingnan ng DTI ang production costs at halaga ng raw materials.
Sinabi ni Lopez, na hindi nakikita ng DTI ang pangangailangan na agad i-adjust ang SRPs dahil ang manufacturers ng basic goods ay may imbentaryo pa ng raw materials at finished products.
Ang pinakabagong SRP list sa basic goods ng DTI ay inilabas noong Enero, na nagpapakita ng pagtaas sa SRPs ng 73 shelf keeping units bunga ng pagtaas ng halaga ng raw materials at packaging sa pandaigdigang merkado.
Kabilang sa listahan ng basic goods na nagkaroon ng SRP adjustments sa pinakabagong bulletin ay ang de-latang sardinas, instant noodles, processed milk, tinapay, sabong panlaba, bottled water, processed canned meat at canned beef, toilet soap at battery.