DFA inaasikaso na ang repatriation ng Pinay na turista na ikinulong sa Myanmar
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ginagawa nito ang lahat para maiuwi sa bansa ang lahat ng Pilipinong biktima ng illegal trafficking sa Timog Silangang Asya.
Sinabi ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza na kabilang na rito ang sitwasyon sa Myanmar.
Aniya, nakikipag-ugnayan na ang DFA sa mga lokal na otoridad para sa repatriation ng mga Pinoy na nasagip mula sa mga pinagtatrabahuhan sa Myawaddy.
Ayon kay Daza, kasama sa mga tinatrabaho ng DFA ang pagpapabalik sa bansa ng Pilipinang turista sa Myanmar na si Kiela Samson.
Si Samson ay sinasabing inaresto at ikinulong sa Myawaddy sa Myanmar habang namamasyal sa lugar.
May direktang ugnayan na aniya ang Embahada ng Pilipinas sa Yangon sa pamilya ng Pinay.
Kasabay nito, muling nanawagan ang DFA sa mga Pinoy na nais magtrabaho sa ibang bansa na sundin ang POEA regulations at magparehistro bilang OFWs sa halip na bilang turista.
Ipinunto ni Daza na dinadala lang sa mapanganib na sitwasyon ng recruiters ang mga Pinoy na pinapangakuan nito ng trabaho abroad kapag sila ay nagpanggap na turista at iwasan ang mga panuntunan.
Moira Encina