DFA ipinatawag ang Chinese ambassador para iprotesta ang deklarasyon ng Tsina ng baselines sa Bajo De Masinloc
Ipinatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian para ihayag ang pagprotesta ng Pilipinas sa deklarasyon ng Tsina ng baselines sa Bajo De Masinloc.
Sinabi ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza na nilalabag ng baselines ang soberenya ng Pilipinas at taliwas sa international law.
Partikular aniya sa kinukontra ng Chinese baselines ay ang 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.
Iginiit ng DFA sa Chinese envoy na walang legal na batayan at hindi ito binding sa Pilipinas.
Una nang naghain ang DFA ng diplomatic protest noong November 12 dahil sa isyu ng baselines.
Idineklara ng Tsina ang baselines kasunod ng pagsasabatas ng Pilipinas ng bagong maritime at archipelagic sea lanes law.
Moira Encina