DFA ipinatawag ang Chinese envoy sa bansa at naghain ng diplomatic protest sa Tsina
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ipinatawag nito ngayong Lunes si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xillian matapos ang collision incidents sa Ayungin Shoal na kinasasangkutan ng China Coast Guard at Chinese maritime militia vessels.
Pero ayon kay DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, bigo ang Chinese envoy na humarap sa DFA dahil out-of-town ito kaya ang deputy chief of mission nito ang nakipag-usap sa kagawaran.
Kaugnay nito, sinabi ni Daza na naghain din ang DFA ng diplomatic protest sa Tsina kaugnay sa pagbangga sa Philippine vessels.
“So for those particular incident the deparment decided to pursue the usual diplomatic route and that is to summon the chinese and to issue a diplomatic protest” pahayag ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza
Sa pinakahuling tala ng DFA, kabuuang 122 protesta na naihain ng Pilipinas sa Tsina sa ilalim ng Marcos Government.
Mula naman Enero 2020 ay 465 ang diplomatic protests ng Pilipinas laban sa China.
“As we did in the past we intend to clearly convey our position that we have every right under UNCLOS to carry out our legitimate activity in our maritime zones and that we do not accept any form of interferences.”inihayag pa ni Daza
Iginiit ni Daza na bahagi ng continental shelf at exclusive economic zone ng Pilipinas ang Ayungin Shoal kaya walang karapatan ang Tsina na hadlangan ang mga lehitimong aktibidad doon ng bansa.
Ipinahayag naman ng Deputy Chief of mission ng Embahada ng Tsina sa DFA ang mariing pagtutol at kawalang-kasiyahan nito sa paghimasok ng Pilipinas sa karagatan ng Ren’ai Jiao noong Linggo.
Nanindigan naman ang Chinese embassy official na parte ng teritoryo ng Tsina ang Ren’ai Jiao at hinimok ang Pilipinas na itigil ang mga mapanganib na hakbangin at provocations laban sa Tsina.
Sinabi ng DFA na kailangan pang pag-aralan kung ang mga insidente ng pagbangga sa mga barko ng Pilipinas ay maituturing na armadong pag-atake at mag-i-invoke sa Mutual Defense Treaty ng Pilipinas sa Estados Unidos.
Patuloy naman ang pag-aaral ng pamahalaan sa posibleng paghahain ng panibagong kaso laban sa China.
Kinontra pa ng gobyerno ang pahayag ng Tsina sa insidente at sinabi na ang China ang lumilikha ng tensyon sa pinag-aagawang teritoryo.
Moira Encina