DFA, itinaas sa Alert Level 2 ang sitwasyon sa Sri Lanka
Itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 2 ang restriction para sa mga Pilipino sa Sri Lanka.
Sa advisory, sinabi ng DFA na sa ilalim ng Alert Level 2, suspendido muna ang deployment o pagpapadala ng mga Overseas Filipino Worker sa nasabing bansa at tanging ang mga may existing employment contract lamang ang papayagang makabalik doon.
Patuloy din ang masusing pakikipag-ugnayan ng DFA sa Filipino community doon sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Dhaka.
Ilang buwan nang inuulan ng malawakang kilos protesta ang Sri Lanka dahil sa dinaranas ng krisis sa ekonomiya.
Gayunman, sa ulat ng DFA, wala namang naitatalang Pinoy na nadamay sa kaguluhan sa nasabing bansa.
Tiniyak naman ng Philippine Honorary Consul General sa Colombo ang pagkakaloob ng tulong sa mga kababayan nating matinding naapektuhan ng krisis.
Sa harap nito, nilinaw ng DFA na hindi pa naman mandatory ang pagpapalikas sa mga Pinoy doon sa kabila ng mga kaguluhan.