DFA kinumpirma sa Kamara na pinag-aaralan na ng gobyerno ang joint exploration and development sa West Philippine Sea kasama ang China
Kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa Kamara na pinag-aaralan na ng gobyerno ang joint exploration and development sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea kasama ang China.
Sa briefing sa House Committee on Foreign Affairs, sinabi ni Cayetano na tinitiyak ng administrasyon sa publiko na kung mabuo ang kasunduan para dito ay aayon sa batas at konstitusyon ang legal framework nito.
Ayon sa kalihim, wala namang Pilipino ang magrereklamo kung ang mapapasok nilang commercial deal ng joint exploration ay mas maganda pa kumpara sa Malampaya Natural Gas exploration.
Kasabay nito, inihayag ni Cayetano na patuloy ang pagbuild-up ng tiwala ng Pilipinas at China.
Ilan sa napagkasunduan na ng dalawang bansa ang pansamantalang Fisheries agreement sa pinag-aagawang teritoryo at ang pagtukoy sa mga lugar na ipreserba doon kagaya ng may malalaking taklobo.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo