DFA: Mga Pinoy crew sa Turkish ship na tinamaan ng bomba ng Russia sa Port City of Odessa, Ukraine, ligtas lahat
Nasa maayos nang kalagayan ang 11 Filipino crew na nakasakay sa Turkish ship matapos tamaan ng bomba ng Russia sa Port City of Odessa, Ukraine.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ito ang ipinaabot sa kanila ng Personnel Relations Officer ng Marshall Islands-flagged Yasa Jupiter.
Batay sa statement ng DFA, nakausap na ng mga Pinoy crew ang kani-kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Philippine Embassy sa Ankara at Philippine Consulate General sa Istanbul sa Yasa holding, ang Turkish owner ng barko para sa kalagayan at pangangailan pa ng ating mga kababayan.
Bagaman ligtas at walang nasugatan sa lahat ng mga crew at nakasakay sa barko, nakapagtala naman ng bahagyang pinsala sa deck at bridge area ng barko.
Ang barkong ito ay iba pa sa cargo ship na pagmamay-ari naman ng Japan na tinamaan din ng missile ng Russia kung saan isang Pilipino umano ang nasugatan.
Ang barko ay pagmamay-ari umano ng Japanese shipping company na Nissen Kaiun, ngunit wala pang pahayag ukol dito ang DFA.