DFA, nagbabala tungkol sa passport appointment at document authentication scams sa social media
Nagbabala sa publiko ang Dept. of Foreign Affairs (DFA), laban sa anila’y passport appointment at document authentication scams sa social media.
Sa isang advisory ay iginiit ng DFA, na hindi sila gumagamit ng facebook o alinmang social media network para mag-alok o magkumpirma ng passport application appointments.
Hindi rin sila nagbigay ng awtorisasyon sa alinmang kompanya o indibidwal para mag-offer o tumanggap ng passport appointment scheduling.
Ayon sa DFA, ang sinumang kumukuha sa serbisyo ng mga hindi awtorisadong private entities o mga indibidwal na gumagamit ng social media accounts at networks, ay nanganganib na hindi magkaroon ng totoong appointment o magka-problema sa kanilang passport application, bukod pa sa maaari silang gumugol ng dagdag na salapi.
Giit ng DFA, ang consular services ay maaari lamang makuha sa pamamagitan ng official appointment systems ng departamento.
Ito ay ang mga sumusunod . . .para sa passport applications, www.passport.gov.ph/appointments at para naman sa apostille applications ay ang https://co.dfaapostille.ph
Sa kabilang dako, ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), overseas Filipino workers at iba pang qualified individuals, ay maaaring kumuha ng appointment gamit ang courtesy lane facility sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa [email protected] o sa email address ng pinakamalapit na consular office.
Sinumang nagnanais na humingi ng assistance tungkol sa consular services, ay dapat na komunsulta lamang sa mga opisyal na accounts ng DFA.
Mahigpit na pinapayuhan ng DFA ang publiko, na huwag pansinin ang alok ng mga kompanya o indibidwal at gamitin lamang ang opisyal na passport appointment system na pinatatakbo ng DFA.
Dagdag pa nila . . . “The DFA is working hard to open additional appointment slots but without compromising the health and safety of the transacting public and its personnel.”
Liza Flores