DFA pinag-iingat ang mga Pinoy sa Libya kasunod ng mga labanan sa Tripoli
Binabantayan ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli ang kaguluhan sa Tripoli at mga nakapalibot na lugar.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Ma. Teresita Daza na ipinabatid sa DFA ng Philippine Embassy sa Tripoli ang sitwasyon doon.
Nag-isyu na aniya ang embahada doon ng dalawang advisories para payuhan ang mga Pinoy sa Tripoli at mga kalapit na distrito na iwasan ang mga lugar kung saan nagaganap ang mga bakbakan.
Ayon kay Daza, sa ngayon ay walang ulat na natanggap ang DFA kung may Pilipino na nasaktan o nasugatan dahil sa mga labanan.
Hinihimok aniya ng DFA ang mga Pinoy na magtago sa mga tahanan o sa ibang ligtas na lugar habang nagpapatuloy ang kaguluhan.
Inabisuhan din ang mga Pilipino na tawagan ang embahada sa hotline numbers para sa agarang tulong.
Tinatayang 2,164 ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa Libya.
Binubuo ang mga ito ng professionals na karamihan ay nurses at iba pang hospital workers.
Gayundin ng mga university instructor at skilled worker sa oil at gas sector.
Moira Encina