DFA, tutol sa panukalang gawing lifetime ang passport ng mga senior citizen
Tinalakay na ng Senate Committee on Foreign Relations ang panukalang batas na gawing habambuhay na ang validity ng passport ng mga senior citizen.
Sa Senate Bill 1197 na inakda ni Senador Lito Lapid, nais nitong gawing valid habang nabubuhay ang passport ng mga Filipinong may 60 taong gulang pataas.
Pero tutol ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa panukala.
Sa pagdinig ng Komite na pinamumunuan ni Senador Aquilino Pimentel, sinabi ng DFA na maaaring lumabag sa International Law at International standards kapag inaprubahan ang panukala.
Hindi rin kinikilala ng ng International Civil Aviation Organization (ICAO)ang pasaporte na lagpas na sa 10 taon dahil sa problema sa seguridad.
Lumilikha aniya kasi ng kalituhan sa mga Immigration official dahil nagbabago taun-taon ang mukha ng isang tao.
Ang ICAO ay isang ahensya sa United Nations na naglalatag ng specifications para sa mga ini-isyu ng isang “machine readable travel document”, gaya ng pasaporte ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Maria Inee Gamble, DFA Executive Director na kahit ang Espanya na dating nagpatupad ng ganitong sistema, binawi na ang patakaran at nagpatupad na ngayon ng 10 year passport validity.
Mayroon naman aniyang courtesy lane para sa mga senior citizen.
Pero dahil sa Pandemya, pansamantala itong itinigil sa mga Consular office at ang pagkuha o renewal ng pasaporte ay sa pamamagitan lamang ng appointment basis pero maaaring magparehistro ang mga nakakatatanda sa pamamagitan ng online para mabigyan sila ng slot.
Inamin naman ng mga Senador na wala silang magagawa sa halip sumunod sa itinatakda ng International Law.
Kaya mungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian, bakit hindi na lang payagan ang passport renewal online.
Bukod sa makatutulong ito para ma-decongest ang mga government facility, makaiiwas para mahawa sa virus lalo na ang mga nakatatanda.
Pag-aaralan umano ng DFA ang naturang mungkahi.
Meanne Corvera