Djokovic nakapasok sa Indian Wells nguni’t hindi pa malinaw ang status

Serbia’s Novak Djokovic returns the ball to Czech Republic’s Jiri Vesely during their quarter-final match at the ATP Dubai Duty Free Tennis Championship, in the Gulf emirate on February 24, 2022.
Karim Sahib / AFP

Nakapasok si Novak Djokovic sa draw para sa ATP/WTA Indian Wells tournament , nguni’t hindi pa malinaw kung magiging bahagi siya ng torneo ayon sa organizers.

Sa isang brief statement mula sa tournament organizers, nakasaad na ang mga opisyal ay nakikipag-ugnayan sa team ni Djokovic para alamin kung siya ba ay makapaglalaro sa California, o papayagang makapasok sa Estados Unidos dahil hindi pa siya bakunado laban sa coronavirus.

Ayon sa tournament chiefs . . . “Novak Djokovic is on the tournament entry list, and therefore is placed into the draw today. We are currently in communication with his team; however, it has not been determined if he will participate in the event by getting CDC approval to enter the country.”

Si Djokovic ay isang five-time champion sa Indian Wells, kung saan sinabi ng organizers na ang proof of full vaccination ay requirement sa mga manonood para makapasok sa tournament grounds sa California.

Sa ilalim ng US government regulations, lahat ng non-US citizen travelers na papasok sa United States ay dapat bakunado na laban sa Covid-19.

Si Djokovic ay pinigilang maglaro sa Australian Open noong Enero dahil hindi siya nakasunod sa requirements para sa unvaccinated travelers na nagtatangkang pumasok sa Australia.

Kalaunan ay nakansela ang kaniyang visa, at makaraang mabigo ang isang legal na apela ay umalis si Djokovic nang hindi na nakapaglaro.

Habang nakabitin pa sa ere ang status ni Djokovic, may posibilidad na magkaroon ng isa pang blockbuster showdown sa pagitan ng bagong number one na si Daniil Medvedev at 21-time Grand Slam champion Rafael Nadal dahil sa naturang draw.

Ang Russian star na si Medvedev ay nakatakdang humarap kay Nadal sa semifinals, sa ikatlo na nilang paghaharap makalipas ang wala pang 2 buwan.

Gayunman, bago ito ay kailangan munang malampasan ni Medvedev ang tricky opponent na si fifth seeded Stefanos Tsitsipas sa quarterfinals.

Napagwagian ni Nadal ang dalawang paghaharap nila ni Medvedev ngayong taon, ito ay sa epic Australian Open final at sa Mexican Open noong Pebrero.

Si Medvedev ay hindi pa nananalo sa Indian Wells, at na-eliminate sa huling 16 sa torneo noong isang taon.

Samantala, ang 35-anyos at fourth seed na si Nadal ay isang three-time winner sa Indian Wells, at unang beses pa lamang na maglalaro sa torneo mula noong 2019.

Si Nadal, na naglaro na sa second round noong Sabado ay maaaring makaharap si Sebastian Korda sa kaniyang opening game.

Please follow and like us: