DOF, inilunsad ang 28th tranche retail treasury bonds
Inilunsad na ng Bureau of Treasury (BTr) ang 28th tranche ng kanilang retail treasury bonds na magpapahintulot sa investors na magbahagi sa pag-unlad ng bansa habang pinalalago ang kanilang savings sa pamamagitan ng mas magandang kita.
Sinabi ng Department of Finance (DOF), ito ang unang offering sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno “This issuance serves as an important component of the national government’s fundraising efforts to finance our development programs aimed at building a sustainable, inclusive, and broad-based economy.”
Sinabi ni Diokno na ang retail treasury bonds ay ligtas, low-risk, at abot-kayang investment instruments. Mayroon itong minimum investment amount na P5,000.
Aniya, “These relatively higher yielding government securities strengthen financial inclusion and encourage broader participation in the capital market.”
Ang retail treasury bonds ang pinakamalakas na “performing financial instrument” sa portfolio ng bond offerings ng Treasury sa nakalipas na dalawang dekada. Sinabi pa ng DOF, na simula sa unang issuance nito noong 2001, ang gobyerno ay nakalikom na ng higit P4.37 trillion mula rito.
Para ngayong 2022, sinabi ng gobyerno na target nitong “makalikom ng P2.2 trillion para sa matatag at flexible na paglago.”
Bilang bahagi ng maingat nitong diskarte sa pamamahala ng utang at mga inisyatiba sa pagpapaunlad ng domestic capital market, humigit-kumulang 73 porsiyento ng financing ng gobyerno ay kinuha mula sa mga domestic source mula 2016 hanggang 2021.
Sinabi ni Diokno na ang lumalagong sektor ng retail sa bansa ay patunay na ang retail treasury bonds ay isang praktikal na haligi ng domestic financing. Sa katunayan, ang mga retail treasury bond ay kumakatawan ngayon sa halos 35 porsiyento ng outstanding government securities ng BTr.
Ayon pa sa DOF, tuloy-tuloy ang malakas na pagtanggap ng local at overseas investors sa retail treasury bonds.